Maaga akong nagising kaninang umaga. Bigla kong naalala ang mga araw na natutunan ko paano matulog ng alas-onse ng gabi para makagising ako ng alas-sais ng umaga. Nag-aalmusal ako na kadalasan ay kanin at prinitong itlog ang nakahain. Ako’y naliligo sa maligamgam na tubig. Palagi akong nagmamadali na tila ba hinahabol ko ang oras. Kinakailangan kong makipagsiksikan sa MRT kasama ang mga katulad kong mga manggagawa sa napakagulong mundo ng Makati. Hindi ko iniinda ang init ng panahon o ang pagkabadtrip ng mga nakakasakayan ko. Madalas akong pumasok sa opisina na nakatsinelas lamang para mas madali akong makatakbo lalo na kapag mahuhuli na ako sa aking trabaho.
Madalas din akong uminom ng tatlong baso ng kape sa isang araw. Lunes hanggang Biyernes (o may Sabado at Linggo pa) ako kumakayod para matustusan ang aking mga luho. Oo, mga luho ko. Hindi ako magpapanggap na ako ay nagbabayad ng renta ng bahay o ng tubig at kuryente. Noong panahon na yun ay sarili ko lang ang iniisip ko.
Napansin ko lang kahapon na nung ako’y nawalan ng trabaho, bigla akong naging “idle”. Parang masyado ata akong naaliw sa ideya na kontrolado ko na ang oras ko. Pwede na akong matulog sa kung anong oras ko gusto. Pwede akong tumambay sa kung saan-saan at umuwi ng bahay na walang inaalala.
Bigla rin akong nagsawa at nangamba. Aba, mukhang wala na atang patutunguhan tong buhay kong ito!
Inaamin ko na ako ay naguluhan. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko na susunod. Ang pinaka-malaking tanong doon ay “ANO BA TALAGA ANG GUSTO KO?”.
Tanginex, ang hirap sagutin niyan. Napaka-simpleng tanong pero hindi ko mahanapan ng sagot. Itutuloy ko ba ang pangarap ko na maging direktor? Pwede, pero kailangan kong harapin ang napakalaking PAK na kailangan mo ng malaki-laking pera para makagawa ka ng pelikula mo lalo na kung baguhan ka pa lang. Aba, hindi rin biro yun kahit sabihin mo pa na short film lang yung gagawin mo. Kailangan mong isipin yung camera, mga gamit, props, sequences, mga gaganap at ang pinaka-importante sa lahat – Pagkain. Mabuti na lamang at nagawa ko na ang first step nito sa pamamagitan ng pagsulat, pagprodyus at pagdirek ng Kuya Bunso, ang short film ko tungkol sa autism. Masaya ako dahil maraming blogista ang tumulong sa akin at balak ko din itong sundan pagkatapos ko makuha ang aking sweldo mula sa Payu2blog.
Pwede rin akong maging full-time problogger. Yun bang tipong masasabi mo sa buong mundo na “I’m a slacker and I’m jobless” na marami ka naman pera sa bulsa. Yun bang tipong masasabi mo na Patay Gutom ka pero lagi kang nakakakain ng steak. Yun ding tipo na tinatawag kang Yagit pero hindi ka naman talaga yagit. Yun bang tipong maraming tatawag sayo na “Master” dahil sa angkin mong galing sa larangang ito.
Pero hindi pala ganun kasimple yun. Kasalukuyan kong pinag-aaralan ang mabuting pag-ooptimize ng isang blog. Na-enganyo ako nung nakilala ko yung mga magagaling sa Pangasinan na nakapundar na ng sarili nilang bahay at kotse dahil sa sipag at tiyaga nila.
Pwede rin akong mag-apply sa ibang kumpanya. Sa totoo lang, isa lang ang inaplayan ko talaga. Masyado pa akong kampante nun dahil buong akala ko ay ang pagiging bihasa ko sa interes ng kanilang kumpanya ay sapat na dahilan para kunin nila ako. Hindi pa talaga ako magaling magbenta ng kung anu-anong chenelyn, pero masasabi ko na may convincing power ako. Hindi nila nakita yun. Tsktsk. Hindi sila naconvince. Isang malaking FAIL.
Masaya ako dahil inalok ako ng aking kaibigan ng isang part-time job sa nangungunang showbiz tabloid magazine sa bansa (kung hindi mo pa mahulaan yan, ewan ko na lang). Masaya ako dahil ang kumpanyang ito ay muling nakahilera sa mundo na interesado akong pasukin noon pa man. Masaya ako dahil nagtitiwala sa amin ang boss at mga kasamahan naming at hindi mo masyadong randam ang “stress”. Malayo-layo ang opisina, pero buti na lang at may MRT and LRT 2 na magkadugtong para mas mapadali ang aking biyahe. Masaya din dahil may mga incentives at may mga nakakatawang larawan akong palaging nakikita. Mukhang dito rin ako matututong magsulat ng tagalong ng mas mainam at dito rin ako makakapag-ensayo ng aking SEO skills. Sa susunod na lingo ay isang buwan na ako sa aking trabaho. Naks naman, isang buwan na akong hindi kasali sa listahan ng mga unemployed sa Pilipinas!
Sa ngayon ay ineenjoy ko muna ang lahat. Marami akong mga gustong gawin pero hindi ko ito masyadong mamadaliin. Kailangan matutunan ko na ulit gumamit ng planner para nasa ayos ang lahat ng bagay. Hiling ko lang ay matapos na ang editing ng Kuya Bunso, lalong tumaas ang traffic ng mga blogs, lalong maging bongga ang trabaho at mga sideline at syempre pa, gusto ko nang yumaman.
Tungkol naman sa buhay pag-ibig, saka ko na lang iisipin yan. Tutal, plano ko naman gayahin si Toni Gonzaga. Maraming nalilink sa kanya dati na tulad nina Luis Manzano, Vhong Navarro, Piolo Pascual at Sam Milby. Kahit puro makikisig ang mga lalaking aking binanggit, wala siyang naging jowa sa kanila. Sa tahimik at simpatikong Direk Paul Soriano ang naging opren nya hanggang sa ngayon. 23 years old siya ng maging sila. 22 years old na ako sa darating na Mayo kaya ibig sabihin 23 na ako sa susunod na taon. Wala lang LOL. Hindi mo naman talaga kailangan ng boypren ngayon. Ang kailangan mo ay mga kaibigan na susuporta sayo. Aanhin mo ang label-label na yan, diba?
Isa rin sa mga rason kung bakit gusto ko na magpursige sa aking karera ay dahil napag-isipan ko na rin na hindi natin hawak ang mga bagay-bagay kahit gaano mo pa yan i-plano sa malaking cartolina o sa Starbucks planner mo. Hindi mo rin malalaman kung kailan ka mangangailangan ng pera para sa kung anu-anong gastusin. Naalala ko rin na ang unang sweldo ko sa unang part-time job ko ay ibinigay ko na pang-tuition ng kapatid ko sa SPED school. Kasalukuyan siyang naninirahan kasama ang aming mader at ate virgie sa England at bigla ko silang namiss. Parang gusto ko na rin sumunod doon.
Bakit nga ba tagalong ang ginagamit ko ngayon sa pagsulat ng aking bagong artikulo dito sa pampersonal kong blog? Ewan. Bigla ko din namiss yung mga araw na blog lang ako ng blog na hindi iniinda ang grammar o kung ano pa man ang isipin ng mga mambabasa ko. Mas lumalabas din ang tunay kong saloobin sa ngayon sa pamamagitan ng paggamit n gating Wikang Pambansa.
Ang haba nito! Pero infairlalu natapos ko. Ipagpatuloy. Yun lang masasabi ko. Yakult lives on!!
Sabi ng mga tao, yung mga edad ng mga 20s, ay panahon para hanapin ang sarili mo.. (nawawala pala tayo?)..
Pero, totoo, mabuti talaga ng meron planner.. at dapat meron kang mga vision and mission para sa buhay… at kahit short term, mid term, and long term goals, meron na..
Sabi ng isang motivational speaker, dapat meron tayo mapa para sa buhay, at itong mga bagay like these long term goals, ay isang mapa para focused tayo sa buhay..
(note: some english, because this was really hard)
Dumugo ilong ko sa makatang artikulong ito! waaah!
natawa ako, pagka basa ko “jobless slacker” hover ko agad, si jehzlau nanaman. haha
haha,, kay haba haba nmn nang iyong salawikain aking kaibigan,, mabuti iyong ginawa mo’t naghanap ka ng iyong mapagkakalibangan at trabaho. hahah,. malapit k ng mag 23 taong gulang.
naku po and2 pala ako! wahhhhhhhhhh!
Yun bang tipong maraming tatawag sayo na “Master” dahil sa angkin mong galing sa larangang ito. – eh ako tinatawag akong master pero wala naman akong alam sa larangang yun.. hehehe 😀
Alam kong isa lang ang gusto mo, lalake. hahah!!
oi mica miss you na.
@Nick – Wow, I appreciate the effort of you commenting in tagalog! Sige, ako’y magsusulat pa rin ng mga blog entries na tahasang tagalog para matulungan na rin kita sa pagppractice 😀
Speaking of planner, hindi ko na naman sya nagamit ~_~
Ok talaga kung may short and long term goals ka. Hindi ko pa nagagawa yung ibang balak ko pero sana matuloy na nga hehe 😀
@Cai – Aw. Endorser ka ng Yakult, Teh 😀
J.Ibanez – Oo nga eh. Si Jehzlau na talaga ang pinaka-astig na jobless slacker sa buong mundo 😀
@Jehzlau – Sus! Pa-humble ka pa hehe 😀 Ang galing mo kaya, Master Jehz 😀
@Ada – Hindi lang yun hehe madami pa. Madaming-madami LOL. I miss you na rin Ada. Halos isang buwan na kitang di nakikita at hindi ako sanay! 😛