Bilang estudyante sa kolehiyo, masasabi ko na napaka-idealistic ko. Hindi man ako naka-enroll sa isang bonggang unibersidad sa Maynila, hindi ako nagpatinag. Aba, kailangan mas maging palaban ako para makaangat sa buhay! Hindi ako masyadong pala-aral, pero gusto ko na habang maaga ay ma-expose na ako sa realidad ng tinatawag na ‘corporate world’. Bilang kamamamatay lang ng tatay ko at sadyang matigas ang ulo ko, nagtanong ako kung pwede na akong mag-OJT sa school.
Bago ko ilahad ang OJT story ko, iku-kwento ko muna ang ilan sa mga extra-curricular activities na pinag-kaabalahan ko noon. Una na r’yan ang LNU Dance Troupe. Isang taon lang ako tumagal dahil sa samu’t saring dahilan. Isa na rin sa rason kung bakit ako umalis ay ang pakikipag-kaibigan ko sa mga opisyal ng Student Government namin. Natutuwa ako kasi kahit na busy sila sa kani-kanilang kurso, nabibigyan nila ng oras at sapat na atensyon ang mga hinaing ng kapwa estudyante. Oo, gusto ko maging officer din sa Student Government ng Unibersidad namin. Sama ako ng sama sa kanila hanggang sa tawagin na akong saling-pusa. Meow.
Isa sa mga nakilala kong lider sa aming unibersidad ay si Ate Milagros. Kung tama ang pagkakatanda ko, siya ang sekretarya ng organisasyon. Kumukuha siya ng kursong Education at tuwing nakikita ko siya, palagi siyang busy. Either nagbabasa siya ng libro o nagtatayp sa kompyuter. Ang sipag!
Isang araw, nagkaroon kami ng bonding moment. Nandoon ako sa opisina nila. Imbes na tumambay kung saan at gumawa ng kalokohan, pinili kong ipagsiksikan ang sarili ko sa opisina nila. Napag-usapan namin ang usaping love life.
Ate, may boyfriend ka na?