Ang pelikulang Ang Katiwala’ (The Caretaker) ni Aloy Adlawan ang isa sa mga pelikulang kalahok sa 8th Cinemalaya Film Festival na ginanap noong nakaraang buwan sa Cultural Center of the Philippines (CCP), Greenbelt at Trinoma. Hindi ako nakakuha ng Festival Pass ngayong taon, pero hindi ito naging hudyat para hindi ko mapanood ang ilan sa mga pelikulang kalahok.
Napanood ko ang pelikulang ‘Ang Katiwala’ sa Greenbelt 3, ala-una y medya ng hapon. Pagkatapos kong bumili ng inumin sa paborito kong milk tea store ay dumiretso ako sa sinehan. Akala ko nga huli na ako. Buti na lang opening credits pa lang ang pinapalabas noong ako’y pumasok at umupo sa inireserba kong espasyo.
Isang araw bago ako nanood ay may kontrobersya na lumabas tungkol sa reaksyon ni Bianca King sa rebyu ng isang film critic sa pelikula ng kanyang jowa. Teka, wala namang kinalaman yung isyu na yun sa aking desisyon na manood pero aaminin ko na isa akong tagahanga ni Dennis Trillo. Isa kasi siya sa kukurampot na leading men sa telebisyon na karapat-dapat na tawaging aktor. Pwede siyang maging mayaman, dukha, ama, anak, teenager, bading, superhero, loverboy, kabit, martyr, kagalang-galang o kahit ano pa man. Hindi siya yung puro pa-kyut lang, pero cute naman talaga siya.
Ang pelikulang ito ay mula sa panulat at direksyon ni Aloy Adlawan. Isa siya sa mga creative consultants ng Kapuso network na kayang gumawa ng pelikula sa mainstream at indie. Kung napanood niyo ang mga pelikulang Quija at The Road, siya ang sumulat nun. Bilib ako sa mga sinulat niyang indie films tulad ng Room Boy at Signos.
Ayon sa isang panayam, ang artikulo tungkol sa dating bahay ni Manuel Luis Quezon ang naging inspirasyon niya para sa kanyang bagong obra. Ito na rin ang magsisilbing ‘tribute’ niya sa tinaguriang ‘Ama ng Wikang Pambansa‘, na tila hindi na kilala ng makabagong henerasyon.
Napansin ko na mahilig si Aloy Adlawan na magsulat tungkol sa ‘isolation’. Sa Condo, isang sekyu si Coco Martin. Sa Room Boy, natural naman na room boy doon si Polo Ravales. Dito naman ay isang Katiwala o Caretaker si Dennis Trillo.
Si Ruben (Dennis Trillo) ay isang padre de pamilya na tubong Zambales. Ang napangasawa niya ay taga-Quezon. Nawalan ito ng trabaho kaya namasukan ito bilang katiwala sa isang malaking abandonadong bahay sa Maynila. Ipinasok siya ng isang kamag-anak dito. Doon lang niya nalaman na ang dating nakatira pala doon ay isang dating presidente ng Pilipinas at ‘yun ay walang iba kundi si Manuel L. Quezon.
Ininterbyu siya para sa isang documentary at hindi niya nasagot ang mga tanong tungkol sa dating presidente. Dahil dito, nag-umpisa itong magbasa tungkol kay Manuel L. Quezon. Mula sa pagiging isang simpleng katiwala ay naging isa itong tagahanga. Binasa nito ang ilan sa mahahalagang talumpati ni MLQ at inalam niya ang talambuhay ng isa sa pinaka-importanteng tao ng Pilipinas. Ang nakakatuwa sa pelikulang ito ay may mga parte kung saan may animation pa para mas madaling intindihin ng mga manonood. Dahil hindi nakapagtapos ng hayskul, itini-text ni Ruben sa kanyang anak sa probinsya ang ilan sa mga malalalim na salitang nababasa niya. Ang pinaka-tumatak sa akin ay ang ‘Conscience’.
Nakakaaliw ang pagka-mangha ni Ruben kay Manuel L. Quezon. Naaalala ko kung paano ako namangha sa ilan nating mga presidente, bayani at scientists nung ako’y bata pa. Hindi ba’t pinag-aralan natin ang kanilang mga talambuhay sa elementarya? Naalala ko pa nga na maliban sa project namin na Compilation of Philippine Presidents, Heroes and Scientists, gumawa rin ako ng isa pa na itinago ko sa aking aparador. Nalaman ko rin na tatlo pala sa mga taong inilagay ko sa memorabilia na ito ay kamag-anak ko pala.
Dito ko ulit nagunita na mahirap lang si Manuel L. Quezon noon. Ipinanganak ito sa Baler, Aurora at para makapasok, nagtitiis ito na maglakad para lang makapag-aral. Iginapang din niya ang sarili niya na makatapos ng kolehiyo. Ito pa nga ang naging sanhi kung bakit siya nagkaroon ng sakit sa baga.
Dahil sa aspetong ito ng buhay ni MLQ, nabuhayan ng pag-asa si Ruben. Napansin ko na ang katabi ko sa sinehan ay nasa edad 80+ na at kitang-kita ang kanyang pagkatuwa sa magagandang parte ng pelikula. Hindi ko alam kung isa siyang panatiko ni Quezon o baka naman isa siyang kamag-anak.
Umabot sa puntong sinasaulo na ni Ruben ang ilan sa mahahalagang talumpati ng dating presidente. Pati ang pamamaraan niya ng pagbigkas ng mga salita ay nagaya rin niya. Kahit buhok ay hindi niya pinalampas. Hindi rin kasi agad-agad na naging fluent sa pagi-ingles si MLQ, pero pagdating sa Spanish ay fluent ito. Nang makaraan ito sa Quezon City Memorial Circle ay sumaludo pa ito.
Maraming metaphors ang pelikula. Mula sa pag-ayos ng bubong na hindi binibigyan ng tamang solusyon, pag-iisip kung paano magagastos ang isang daang milyong piso, lumang bahay, pagka-alala kay Quezon dahil sa bente pesos, pagiging dayuhan sa sariling bayan  hanggang sa madugong pagtatapos. Hindi ko pwedeng isiwalat dito ang buong pangyayari sa pelikula, pero nalungkot ako rito.
 “I prefer a government run like hell by Filipinos to a government run like heaven by Americans.†It was a sound bite heard around the world. But what all too few recalled was the essential sentence that came next: “Because, however bad a Filipino government might be, we can always change it.â€
“My fellow citizens: there is one thought I want you always to bear in mind. And that is: that you are Filipinos. That the Philippines are your country, and the only country God has given you. That you must keep it for yourselves, for your children, and for your children’s children, until the world is no more. You must live for it, and die for it, if necessary.
“Your country is a great country. It has a great past, and a great future. The Philippines of yesterday are consecrated by the sacrifices of lives and treasure of your patriots, martyrs, and soldiers. The Philippines of today are honored by the wholehearted devotion to its cause of unselfish and courageous statesmen. The Philippines of tomorrow will be the country of plenty, of happiness, and of freedom. A Philippines with her raised in the midst of the West Pacific, mistress of her own destiny, holding in her hand the torch of freedom and democracy. A republic of virtuous and righteous men and women all working together for a better world than the one we have at present.â€
Namatay si Manuel L. Quezon noong Agosto 1, 1944 sa Estados Unidos dahil sa sakit na Tuberculosis. Ni hindi nga niya naabutan ang inaasam-asam niyang araw ng kalayaan. Hindi maikakaila ang kanyang mithiin na maging malaya ang Pilipinas mula sa mga dayuhan, ngunit sa mga nangyayari ngayon ay napapaisip talaga ako. Mabuti ang mga intensyon ng mga lider natin noon, bakit tayo nagka-ganito ngayon?
Sana ay mapanood ng mga estudyante ang pelikulang ito. Sana ay maisipan ng mga producers na magkaroon ng film showing sa iba’t ibang eskwelahan. Nararapat lang na malaman ng mga kabataan ngayon na bago natin nakamit ang kalayaan na inaasam natin ngayon, maraming mga lider na nangarap at nagsakripisyo para makamit ito. Bow.
*Speech taken from Quezon.Ph . Photo credits: Ang Katiwala Page and CharlesKeng